Olongapo SubicBay BatangGapo Newscenter

Thursday, June 29, 2006

Latiguhin mga recruiter ng Pinoy patungong Iraq!

Ang Pilipino STAR Ngayon EDITORYAL — Latiguhin mga recruiter ng Pinoy patungong Iraq!

MATAGAL nang ipinagbabawal ng Department of Labor and Employment ang pangangalap ng mga trabahador patungong Iraq dahil magulo pa sa bansang iyon. Sunud-sunod ang mga suicide bombings. Bago pa napalaya ang OFW na si Angelo de la Cruz noong 2004, bawal na ang pagtungo ng mga Pinoy sa Iraq. Lubhang mapanganib.

Pero sa kabila nang mahigpit na pagbabawal ng gobyerno, patuloy pa rin ang mga illegal recruiters sa pangangalap ng mga Pinoy para dalhin sa Iraq. Mataas na suweldo ang ipinapangako kaya naman maraming Pinoy ang natutukso. Sa hirap ng buhay at maayos na pagkakakitaan sa bansang ito marami ang kumakapit na sa patalim at kahit anong trabaho sa abroad ay papasukin. Hindi nila matanggihan ang malaking suweldong inaalok ng mga illegal recruiters sa kabila na mapanganib sa bansang pupuntahan. Katwiran ng iba, mamamatay din ng gutom sa Pilipinas, mabuti pang doon na mamatay sa Iraq at sumusuweldo naman ng dollar.

Nagkalat ang mga illegal recruiters at patuloy na nananagana sa mataas na placement fee na kanilang natatanggap. Noong nakaraang Lunes lamang, isang Filipino-American recruiter ang natimbog sa Parañaque City. Ayon sa report, sa Mactan International Airport idinadaan ng recruiter ang kanyang mga na-recruit na Pinoy. Dadalhin muna umano sa isang bansa sa Middle East ang mga na-recruit na Pinoy at mula roon ay patungo na sa magulong Iraq. Karamihan sa mga trabahong naghihintay ay truck driver at maintenance worker.

Ang OFW na si Angelo de la Cruz ay isang truck driver. Kinidnap siya ng mga militanteng Iraqi at napalaya lamang nang alisin ng Pilipinas ang mga sundalo roon. Matagal ding naging bihag si De la Cruz bago pinalaya. Nang mapalaya si De la Cruz lalo nang naghigpit ang gobyerno sa mga Pilipinong nais magtrabaho sa Iraq. Lubhang mapanganib doon.

Subalit sa kabila ng pagbabawal ng gobyerno marami pa rin ang nakalulusot. Nakapagtataka kung paano nakaaalis ang mga Pinoy gayong mahigpit na ipinagbabawal. Hindi mahirap isipin na may mga kasabwat ang mga recruiter sa airport kaya nakalilipad ang mga Pinoy. Talamak na corruption ang namamayani. Basta pera ang dahilan, walang hindi pupuwede.

Sa dakong huli ang gobyerno rin ang magpapasan ng responsibilidad sakali at mabihag o mapatay ang Pilipinong ilegal na nakapasok sa Iraq. Hagupitin ang mga illegal recruiter.

1 Comments:

  • Tama lang na hayaan natin ang mga pinoy sa iraq. desisyon nila yan eh kaysa dito nga sila pero nagugutom pamilya nila. ako nga gusto ko rin di ko lang alam kung saan mag aaply. may alam ba kayo? heto mobile ko 09064322291

    By Anonymous Anonymous, at 7/04/2006 6:05 PM  

Post a Comment

<< Home


 

This is a joint private blog of volunteers from Subic Bay. It is being maintained primarily to collate articles that may be of importance to decision making related to the future of Subic Bay and as a source of reference material to construct the history of Subic Bay.

The articles herein posted remains the sole property of original authors and publications which has full credits to the articles.

Disclaimer: Readers should conduct their own research and due diligence before using any article herein posted for whatever intended purpose it may be. This private web log will not be liable for any loss or damage caused by a reader's reliance on information obtained from volunteers of this private blog.

www.subicbay.ph, http://olongapo-subic.com, http://sangunian.com, http://olongapo-ph.com, http://oictv.com, http://brgy-ph.com, http://subicbay-news.com, http://batanggapo.com 16 January 2012