‘Pag naibenta sa YNN ang Masinloc: Power rate dodoble!
Ni Malou Escudero - Ang Pilipino STAR Ngayon
Nanganganib tumaas ng halos 100 porsiyento ang halaga ng kuryente kapag natuloy ang bentahan ng Masinloc power plant sa kompanyang YNN-Ranhill.
Ito ang warning ni Bayan Muna Partylist Rep. Teddy Casiño kaugnay ng nakabinbing kontrata ng bentahan sa pagitan ng Meralco at naturang kompanya.
Ani Casiño, ang prevailing rate ng Masinloc na P2.80 per kwh ay magiging mahigit sa P4 per kwh kung matutuloy ang bentahan.
Nilinaw niya na ang Masinloc ay ma-ooperate na kung ito ay kontrolado na ng isang private company.
Sa kasalukuyan, ang 600-MW Masinloc coal-fired power plant sa Zambales ay pinapatakbo ng Napocor hindi upang kumita kundi para sa pangkalahatang pagbuti ng power sector ng bansa.
Subalit kung ang YNN-Ranhill ang magpapatakbo ng planta, sigurado umanong babawiin nila ang napakalaking investment nila na $561 milyon sa pamamagitan ng pagtaas ng presyo ng kuryente na manggagaling dito.
Ang $561 milyon ay ang bid price ng YNN sa Masinloc na napakataas ayon sa mga experts dahil mas mataas pa ito sa cost of construction ng Masinloc noong 1998.
Hindi lamang ang pagbawi ng investment ang magiging dahilan ng pagtaas ng singil kundi ipapatong din sa electricity rate ang mga interest rates na ipapataw ng mga creditors ng YNN-Ranhill na magpapautang sa kanila upang bayaran ang bid price.
Sinabi ni Casiño na mas mainam na Napocor ang magpatakbo ng Masinloc na isang major power plant dahil mas makatarungan ang pricing scheme nito sa ilalim ng gobyerno.
Kailan lang ay napag-usapan ang tangkang pagkakaroon ng YNN ng isang supply contract sa Meralco sa Masinloc. Kailangan ng YNN ang isang power purchase agreement sa Meralco dahil hindi pauutangin ng mga bangko ang Ranhill kung wala itong kaakibat na supply contract na siyang mag-gagarantiya ng steady income sa Masinloc.
0 Comments:
Post a Comment
<< Home