Olongapo SubicBay BatangGapo Newscenter

Thursday, September 06, 2007

CAJUDO, ABSUWELTO!

Kinatigan ng Fifth (5th) Division ng Sandiganbayan ang pagiging tapat na ‘’public servant’’ ni Olongapo City Vice Mayor Cynthia Cajudo sa desisyong ipinalabas nito kamakailan kaugnay sa kaso ng katiwalian o paglabag sa Section 3(e) ng Batas Republika 3019 (Criminal Case No. 26174) na isinampa laban sa kanya noong taong 2000.

Ayon sa Sandiganbayan, hindi napatunayan ng prosekusyon na ‘’out of bad faith’’ ang ginawang paglagda ni Cajudo sa isang ‘’memorandum of agreement.’’ …the prosecution failed to establish the basis for its contention that accused acted with manifest partiality, evident bad faith, or gross negligence when she signed the subject MOA,’’ saad ng Sandiganbayan.

Masayang humarap at ibinalita ni Olongapo City Vice Mayor Cynthia Cajudo ang magandang balita sa mga kawani at opisyales ng Olongapo City Government sa ‘’flag raising ceremony’’ nitong ika-3 ng Setyembre 2007 sa Rizal Triangle Multi-Purpose Covered Court.

‘’God has been merciful to us. Mas nakakangiti na ako ngayon dahil wala na ‘yung mga iniisip-isip pa,’’ pahayag ni Cajudo.

Matatandaan na noong ika-8 ng Agosto, 2000 ay sinampahan ni Graft Investigation Officer II Paul Elmer Clemente ng ‘’graft charges’’ si Vice Mayor Cajudo kasamang ‘’respondent’’ ang dati’y Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) Chief Operating Officer na si Ferdinand Aristorenas na sa kasamaang palad ay sumakabilang buhay sa kasagsagan ng paglilitis.

Pinaratangan ang dalawang opisyales ng pagpirma sa isang Memorandum of Agreement (MOA) na may kinalaman sa paglilipat sa Olongapo City Government at sa James L. Gordon Memorial Hospital (JLGMH) ng karapatan sa paggamit ng mga ‘’hospital equipment,’’ at mga ‘’public utilities equipment and vehicles’’ na nagkakahalaga ng P39, 160,485.93 kung saan ay hindi umano niratipika o inaprobahan ng SBMA Board of Directors. Naniniwala si Cajudo na ang nasabing dokumento ay magdudulot nang positibong epekto para sa mga mamamayang Olongapeño.

Upang pabulaanan ang mga ‘’charges’’ kay Cajudo ay nagsumite at nagpahayag ng kani-kanilang mga testimonya sina Nathaniel Santos, Ramon Lazaro, Fernando Magrata, Simplicio Angeles, Francisco Legaspi, Arturo Mendoza, Jr., Dante Ramos, Gregorio Elane, Ernesto Asunción at Conrado Mamaril.

Matapos ang pitong (7) mahahabang taon, ang nasabing kaso ay dinisisyunan na, ‘’with finality,’’ nina Chairperson Ma. Cristina Cortez, Associate Justices Roland Jurado at Teresita Diaz-Baldos ng Sandiganbayan noong ika-18 ng Hulyo 2007 na naging ganap naman noong ika-31 ng Agosto 2007. Kalakip ng desisyon ay ang ‘’absolute cancellation’’ ng ‘’hold departure order’’ at ‘’arrest order’’ sa ikalawang punong lungsod.

Natutuwa si Cajudo na naging patas ang korte sa pagtitimbang sa merito ng kaso at siya ay napatunayang walang pagkakasala. ‘’They decided on the merits of the case,’’ wika ni Cajudo.

Dahil sa paborableng hatol ng korte ay buong-galak na nagpasalamat si Cajudo sa mga taong tumulong at naging instrumento nito. Higit sa lahat ay buong pusong nagpasalamat ang ikalawang punong-lungsod sa Poong Maykapal.

Si Cynthia Cajudo ay humigit kumulang tatlong (3) dekada nang naglilingkod sa Pamahalaang Lungsod ng Olongapo. Siya ay naging ‘’city councilor,’’ ‘’vice mayor’’ at ‘’mayor.’’ Nitong halalan ng 2007 ay muli siyang hinalal ng mamamayang Olongapeño upang maging ‘’vice mayor.’’



Si Olongapo City Vice Mayor Cynthia Cajudo, pinanigan ng Sandiganbayan bilang matapat na ‘’public servant.’’

Pao/jms

Labels: ,

0 Comments:

Post a Comment

<< Home


 

This is a joint private blog of volunteers from Subic Bay. It is being maintained primarily to collate articles that may be of importance to decision making related to the future of Subic Bay and as a source of reference material to construct the history of Subic Bay.

The articles herein posted remains the sole property of original authors and publications which has full credits to the articles.

Disclaimer: Readers should conduct their own research and due diligence before using any article herein posted for whatever intended purpose it may be. This private web log will not be liable for any loss or damage caused by a reader's reliance on information obtained from volunteers of this private blog.

www.subicbay.ph, http://olongapo-subic.com, http://sangunian.com, http://olongapo-ph.com, http://oictv.com, http://brgy-ph.com, http://subicbay-news.com, http://batanggapo.com 16 January 2012