Teves sinabon sa importasyon ng $4-M generator
Ayon sa mga senador, pinaiikot lamang si Teves ng kanyang Undersecretary na si Gaudencio Mendoza na siyang nagpatibay ng tax exemption sa generator na inangkat ng kaibigan ng kalihim. Dinagdag naman ni Sen. Richard Gordon na si Mendoza ay dating nagtrabaho bilang director ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) kung saan sa kanyang administrasyon nabisto ang hindi pagbabayad ng P400 milyong buwis ng isang oil company sa loob lamang ng isang taon.
By: Marlon Purificacion - Journal online
By: Marlon Purificacion - Journal online
HINDI pa man natatapos ang kontrobersiyal na ZTE-NBN broadband project kung saan ay ‘isinabit’ ang mga tinaguriang GMA men, isa na namang miyembro ng Gabinete ni Pangulong Arroyo ang kinastigo sa Senado kahapon dahil naman sa malalang problema ng smuggling sa bansa.
Kasabay nito, inakusahan din kahapon ni Sen. Juan Ponce Enrile na nakalibre sa pagbabayad ng ilang milyong pisong buwis ang isang business tycoon sa bansa matapos umanong makipaglaro ito ng golf kay Finance Secretary Margarito Teves sa Wack Wack Golf and Country Club sa Mandaluyong City.
Sa isinagawang pagdinig ng Commission on Appointments(CA), kinuwestiyon ni Enrile ang paghuhugas-kamay ni Teves sa importasyon ng ilang set ng generators na nagkakahalaga ng mahigit sa apat na milyong dolyar sa isang kumpanyang pag-aari ng madalas nitong nakakalaro sa golf na si William Gatchalian.
Sa una’y tinanong muna ng senador si Teves kung ano ang koneksyon ni Gatchalian sa Bataan Petrochemical Plant na siyang pinagbagsakan ng mga generator na hindi binayaran ng sapat na buwis at sumagot naman ang kalihim na hindi niya alam ang koneksyon ng negosyante sa naturang planta.
Si Teves ay matagal nang mainit sa mata ng mga senador dahil sa kuwestiyunableng deregulasyon ng buwis sa sigarilyo ng Pall Mall mula sa halagang P26 kada kaha ng sigarilyo hanggang sa ibaba sa P6.74 kung saan ay daang milyong piso ang nawawala sa kabang yaman ng bansa.
“He is a partner in that petro-chemical plant although I understand he’s not in good terms with his Iranian partner now but he is a partner, he is a substantial stockholder. He was the proponent of that plant and you were seen very often playing golf in Wack Wack with Mr. Gatchalian,” pagdidiin ni Enrile.
“I'm not impugning any wrongdoing for all I know he is your friend but it is impossible for me to believe that you did not know anything about this entry of these generators,” dagdag pa nito.
Ang mga generator ay ipinasok sa bansa noong Marso 2007 at ito’y hindi napatawan ng buwis dahil sa ipinalabas na exemption ng DOF sa kadahilanang gagamitin umano ito sa exhibition at hindi sa planta.
Ngunit ayon kay Enrile, hindi naman ito ginamit sa exhibition kundi ginamit na mismo sa planta. Nakumpiska lamang ito ng Bureau of Customs (BOC) matapos na magreklamo ang senador kay Commissioner Napoleon Morales.
Ayon sa senador, pinaiikot lamang si Teves ng kanyang Undersecretary na si Gaudencio Mendoza na siyang nagpatibay ng tax exemption sa generator na inangkat ng kaibigan ng kalihim. Dinagdag naman ni Sen. Richard Gordon na si Mendoza ay dating nagtrabaho bilang director ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) kung saan sa kanyang administrasyon nabisto ang hindi pagbabayad ng P400 milyong buwis ng isang oil company sa loob lamang ng isang taon.
Nangako naman si Teves na sosoluyunan niya ang mga reklamong ibinulgar ng dalawang senador, pati na ang isyu ng maliit na buwis sa sigarilyong Pall Mall na inirekomenda na niyang taasan ng buwis.
Sa kabila nito, hindi pa rin nangako sina Enrile at Gordon na palulusutin nila ang appointment ni Teves bilang kalihim ng DOF. Matatandaan na sumabit din si dating Comelec chairman Benjamin Abalos sa paglalaro ng golf sa Wack Wack matapos mabisto ang alok nitong P200 milyon kay CHED chairman Romulo Neri para aprubahan ang NBN-ZTE project.
Labels: senator gordon, smuggling, Subic Bay, zte
0 Comments:
Post a Comment
<< Home