Olongapo SubicBay BatangGapo Newscenter

Thursday, January 19, 2006

EDITORYAL - Dahil sa ‘butas’ ng VFA nakawawa ang Pinay

Ang Pilipino STAR Ngayon 01/19/2006

WALANG kahihinatnan ang kaso ng ni-rape na Pinay sa Subic. Magiging katulad din ito ng iba pang kaso na natambak at makakalimutan na. Hanggang sa mawala nang tuluyan. At walang magiging kawawa kundi ang biktimang Pinay. Ang masaklap ay kung may sumunod pang biktima ang mga "halimaw".

Walang ibang masisisi sa pangyayaring ito kundi ang "butas" ng RP-US Visiting Forces Agreement. Nakasaad sa Article 5, Section 6 ng VFA na ang United States ang aako sa custody ng mga sundalo hanggang sa matapos ang legal proceedings. Ang artikulong ito ang matibay na pinanghahawakan ng US kaya hanggang sa kasalukuyan, nasa pangangalaga nila ang apat na sundalo. Orihinal na anim ang mga Kanong inakusahan ng rape ng 22-anyos na Pinay subalit na-cleared ang dalawa at hinayaan nang makaalis patungong Okinawa, Japan noong December.

Kawawa ang Pinay at mga susunod pa kung hindi ibabasura ang kasunduang ito. Kapag may ginawang kahayupan at katakawan sa laman ang mga sundalong Kano, ang nakasaad sa Article 5 ng kasunduan ang lagi nilang isasampal sa mukha ng Pinoy. Agrabyado ang mga Pinoy sa kasunduang ito. Kapag gumawa ng kasalanan ang mga Kano dito sa Pilipinas, pilit ililigtas at kapag Pinoy ang nakagawa ng kasalanan sa US, tiyak na leeg ay tigpas. Hindi parehas ang kasunduang ito na pabor lamang sa mga Kano.

Ibasura ang kasunduang ito at huwag nang magdaos ng mga war games dito sa bansa. Kung walang mga Kanong kaanib sa VFA, walang mangyayaring panggagahasa. Walang puring mawawasak at walang magulang na iiyak sa nangyaring pagtampalasan sa kanyang anak na babae.

Malamang na wala nang mangyari sa kasong ito dahil nga sa pagmamatigas ng US na ibigay sa custody ng Pilipinas ang apat na "halimaw". Pero malakas pa rin naman ang pananalig ng nanay ng ginahasang Pinay na makakakamit ng katarungan ang kanyang anak. Mananalo ang kanyang anak at ito ay panalo rin ng mga Pinoy.

Matigas ang mga Kano at kayang-kaya ang mga Pinoy. Maski noon pang hawak nila ang Clark at Subic, marami na silang nilabag na karapatan ng mga Pinoy at hanggang ngayon ay patuloy silang naghahari-harian.

Ibasura na ang VFA at nang hindi malagay sa kaawa-awang kalagayan ang mga Pinay

0 Comments:

Post a Comment

<< Home


 

This is a joint private blog of volunteers from Subic Bay. It is being maintained primarily to collate articles that may be of importance to decision making related to the future of Subic Bay and as a source of reference material to construct the history of Subic Bay.

The articles herein posted remains the sole property of original authors and publications which has full credits to the articles.

Disclaimer: Readers should conduct their own research and due diligence before using any article herein posted for whatever intended purpose it may be. This private web log will not be liable for any loss or damage caused by a reader's reliance on information obtained from volunteers of this private blog.

www.subicbay.ph, http://olongapo-subic.com, http://sangunian.com, http://olongapo-ph.com, http://oictv.com, http://brgy-ph.com, http://subicbay-news.com, http://batanggapo.com 16 January 2012