Olongapo SubicBay BatangGapo Newscenter

Friday, July 28, 2006

SILVER MEDAL, INIUWI NG OLONGAPO YOUTH CHOIR MULA SA WORLD CHOIR GAMES

Isang malaking tagumpay ang tinamasa ng Olongapo Youth Choir matapos nitong makopo ang Silver Medal sa kategoryang mixed youth choir sa 4th World Choir Games 2006 kung saan sila nakipagtagisan ng galing sa pag-awit bilang kinatawan ng Pilipinas sa kumpetisyong ginanap sa Xiamen, China noong Hulyo 15-26, 2006.

“Malaking karangalan ito para sa bansa, lalo na sa Lungsod ng Olongapo at para sa mga kabataan ng lungsod na mapasabak sa ganitong uri ng kompetisyon sa labas ng bansa,” ayon kay Mayor James “Bong” Gordon Jr. Tuwang-tuwa si Mayor Gordon at kanyang sinabi na sa susunod na World Choir Games ay personal niya nang sasamahan ang grupo.

Nagpasalamat naman si OCNHS Principal Helen Aggabao sa malaking suporta na ibinigay ni Mayor Bong Gordon sa Olongapo Youth Choir. Bago bumiyahe ang delegasyon ay naglaan ng P375,000 pondo si Mayor Gordon sa pamamagitan ng Olongapo City Fiesta Committee 2006 Chairman at First Lady Anne Marie. Ang pondo ay ginamit pandagdag sa mga gastusin ng choir sa pamasahe, akomodasyon at registration fees para sa kompetisyon. Ito ay bukod pa sa iba pang nakalap na pondo ng grupo mula sa mga konsyerto at mga signature fund-drive campaigns na isinagawa nito.

“Ipinagmamalaki ko ang mga kabataan nating world class ang galing. Simbolo sila ng mga kabataang buhay ang diwang “fighting for excellence!” pahayag ni Mayor Gordon nitong Hulyo 24, 2006 nang ipagmalaki niya ang tagumpay ng Olongapo Youth Choir sa harap ng mga kawani ng city hall matapos ang Flag Raising Ceremony.

Sa pangunguna ni Jenivee Tolentino, choir director ng Olongapo Youth Choir at guro ng Music sa Olongapo City National High School-Special Program for the Arts, hinasa ang galing ng tatlumpung (30) kabataan na siyang bumuo sa delegasyong tumungo sa Xiamen, China. “Ang karanasan na nakuha namin ay sapat nang premyo para sa mga kabataang ito at sa kanilang magulang na proud na proud para sa kanila.,” saad ni Tolentino.

Ang World Choir Games ay isang international competition ng mga grupong mang-aawit na nilahukan ng mahigit na pitumpung (70) bansa at 400 choirs na binubuo ng 20,000 na mang-aawit. Ang organizer nitong Interkultur Foundation na base sa Germany, ay may layuning pagkaisahin ang iba’t-ibang lahi sa pamamagitan ng malaking musical event na ito. Ang susunod na 5th World Choir Games ay nakatakda naman gawin sa Austria sa 2008.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home


 

This is a joint private blog of volunteers from Subic Bay. It is being maintained primarily to collate articles that may be of importance to decision making related to the future of Subic Bay and as a source of reference material to construct the history of Subic Bay.

The articles herein posted remains the sole property of original authors and publications which has full credits to the articles.

Disclaimer: Readers should conduct their own research and due diligence before using any article herein posted for whatever intended purpose it may be. This private web log will not be liable for any loss or damage caused by a reader's reliance on information obtained from volunteers of this private blog.

www.subicbay.ph, http://olongapo-subic.com, http://sangunian.com, http://olongapo-ph.com, http://oictv.com, http://brgy-ph.com, http://subicbay-news.com, http://batanggapo.com 16 January 2012