LAKBAY ARAL SA ‘GAPO
Muling dinayo ng mga taga-ibang lugar ang Lungsod ng Olongapo upang matuto sa magagandang gawi at pamamahala dito.
Matapos ang tatlong (3) magkakasunod na Lakbay Aral na isinagawa ng mga municipal officials ng South Cotabato, Bansalan, Davao del Sur at Sapian, Capiz sa lungsod nitong nakaraang linggo, tumungo rin sa Olongapo ang may animnapu’t limang (65) guro mula sa Talon-Talon Elementary School ng Zamboanga at mga kinatawan ng Sangguniang Kabataan Federation ng Hinuhangan, Leyte nitong ika-24 ng Abril.
Sa pangunguna ni Mayor James “Bong” Gordon, Jr. at ng City Tourism Office kasama si City Administrator Ferdie Magrata, mainit na tinanggap ng mga kawani ng City Government ang mga panauhing may pangunahing layuning matuto sa mga kasalukuyang programa ng administrasyon para sa higit pang pag-unlad ng Olongapo.
Unang dumating sa lungsod ang mga panauhing guro mula sa Talon-Talon Elementary School sa Zamboanga. Matapos ang kanilang courtesy call kay Mayor Gordon sa FMA Hall ng City Hall kung saan ay ipinaliwanag sa kanila ang mga pamamaraan na isinasagawa ng lungsod upang mapanatili ang mahusay at maayos na local government management dito, nilibot ng mga bisita ang ilang pangunahing atraksyon sa lungsod tulad ng Olongapo City Museum at Olongapo City Convention Center. Kasama pa rin ang ilang kawani ng City Tourism Office, nag-rolling tour ang mga panauhin sa kahabaan ng Ramon Magsaysay (RM) Drive.
Kinahapunan ay dumating naman sa lungsod ang mga kinatawan ng SK Federation ng Hinuhangan, Leyte. Layunin ng mga kabataang panauhin na matuto rin sa mga halimbawa ng mga programang pangkabataan ng Olongapo na ipinatutupad ng SK Federation ng lungsod sa pangunguna ni SK President Cheenee Hoya. Matapos alamin ang mga programang pangkabataan ng lungsod ay nilibot rin ng mga panauhin ang mga ipinagmamalaking atraksyon ng Olongapo.
Mabungang natapos ang pagbisita ng mga nabanggit na panauhin sa lungsod dala ang paghanga at pagkatuto pabalik sa kani-kanilang lugar. PAO/jpb
Labels: City Tourism, Lakbay Aral
0 Comments:
Post a Comment
<< Home