RIVER CLEAN-UP, TULUY-TULOY!
Muling nagbuklod ang pwersa ng pamahalaang lungsod ng Olongapo at Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) para sa Joint River Clean-Up na ginanap nitong Sabado, Marso 25, 2006.
Dahil sa seryosong kampanya ni Mayor James ‘’Bong’’ Gordon Jr., tuluy-tuloy at regular na paglilinis ng ilog ang isinasagawa halos tuwing ikaapat na buwan. Lahat ng mga kawani ng Olongapo City Government at SBMA ay aktibong nakibahagi sa gawain, kasama din ang mga barangay officials ng Olongapo, mga kinatawan mula sa mga investors/locators ng Subic Freeport at pati rin ang mga Boy Scouts at Girl Scouts. Maaga pa lamang ay handa ng sumabak ang mga participants bitbit ang mga garbage plastic bags, pandakot at mga walis tingting. Hinati ang buong pwersa sa tatlong malalaking area ng kahabaan ng ilog: ang Pag-asa River, Kalaklan River at Banicain River.
“Kasabay ng paglilinis na ito ay ang panawagan sa mga mamamayan lalo pa sa mga nakatira malapit sa mga ilog na tigilan na ang pagtatapon at pagdudumi sa ating mga ilog,” pahayag ni Mayor Gordon nang kanyang inanunsyo ang isasagawang river clean-up drive sa huling Department Heads Meeting.
Kinatawan nina Kgd. Bella Asuncion at JC Delos Reyes ang pamunuan ng Olongapo, habang ang SBMA Labor Department Head ang kumatawan sa pamunuan ng SBMA.
“Panatilihin nating malinis ang ilog at kapaligiran dahil dito nagsisimula ang malusog na mamamayan, pagyamanin natin ang mga ito,’’ pahayag ni Kgd. Delos Reyes sa maikling panimulang programang ginanap sa Boardwalk Area ng SBMA. Sa isang banner, nakasaad ang slogan na “Kapaligiran ay Mahalin, Ilog ay Linisin!” upang udyukan ang lahat na magmalasakit sa mga ilog.
Ito ang ika-anim sa mga joint river clean-ups na pinagtulungan ng Olongapo at SBMA. Unang inilunsad ang river clean-up noong November 20, 2004 na proyekto ni Mayor Bong Gordon bilang tugon sa problema sa basura ng mga ilog at simula noon ay naging sunod-sunod na ang isinasagawang paglilinis. Samantala, ang huling clean-up ay isinagawa na rin bilang paghahanda sa pagdating ng mga dadagsang turista at bisita sa Olongapo at Subic Freeport ngayong panahon ng tag-init dahil sa kilala ito sa mga magagandang beaches sa Central Luzon.
Olongapo City Public Affairs Office
1 Comments:
dapat ipalinis din ang kalaklan river ang dumi,hindi lang sbma sa may tulay.comments ko lang dapat pagandahin pa ang olongapo.
By Anonymous, at 4/13/2006 3:00 PM
Post a Comment
<< Home