‘GAPO HANDA VS. SAKUNA SA RESORTS!
Maagap na nagsagawa ng training ang Disaster Management Office (DMO) ng Olongapo City ukol sa “Water Safety and Rescue” sa harap ng inaasahang pagdagsa ng mga bisita at turista mga beaches ngayong panahon ng tag-init.
Sa atas ni Mayor James “Bong” Gordon Jr., ginanap ang naturang training nitong Marso 23-25, 2006 sa YMCA-Swimming Pool sa East Tapinac Sports Complex, sa Ocean View Beach Resort sa Nagbakulaw, Kalaklan, Driftwood Beach Resort sa Barretto. Sinanay ang mga miyembro ng Barangay Fire & Rescue Volunteers, mga lifeguards mula sa iba’t-ibang beach resorts ng lungsod, DMO personnel at iba pang ahensya at volunteer groups. Animnapu (60) ang bilang ng mga dumaan sa mahigpit na training.
Layunin ng training program na maging handa ang mga sinanay na kalahok sa mga basic skills sa paglangoy at pagsaklolo sa mga insidente ng pagkalunod. Dagdag pa rin ang pamilyarisasyon sa paggamit ng mga water safety equipment at lalung-lalo na ang kahalagahan ng community service at ang pagpapalakas ng koordinasyon sa pagitan ng DMO at ng mga nabanggit na units na lumahok sa training.
“Masasabi kong alerto at mabilis nang makaka-aksyon sa panahon ng aksidente ang mga lumahok sa training. Inaasahan naming makakaiwas na sa anumang kapahamakan at magiging kampante ang lahat ng dadayo sa mga beaches at resorts sa lungsod ngayong panahon ng tag-init,” paglalahad ni Angie Layug, Chief ng DMO at siyang nangasiwa sa isinagawang tatlong-araw na training.
Olongapo City Public Affairs Office
0 Comments:
Post a Comment
<< Home