Lacbain, binantaan ni Mayor Khonghun
Subic, Zambales- “ Magkakagulo dito pag humawak ka pa ng mike (mikropono)” mariin na banta ni Subic Mayor Jeffrey Khonghun kay dating Bise-gobernador at ngayon ay Task Force Hanjin Chairman Ramon Lacbain matapos nitong agawan ng mikropono habang ito ay nagsasalita sa ginawang meeting kaharap si Zambales Governor Amor Deloso at ang mahigit 200 residente sa sa Sitio Nagyantok , Cawag Subic, Zambales kahapon.
Nagtungo si Gob. Amor Deloso at ang buong grupo ng Task Force Hanjin sa pamumuno ni dating bise Gobernador Ramon Lacbain sa Sitio Nagyantok, Cawag, Subic, Zambales matapos na pumunta ang mga resident e ng naturang lugar na apektado ng gingawang expansion ng P1.6 Billion na projekto ng Hanjin Heavy Industries, Inc. (HHIC) sa opisina ng Gobernador upang humingi ng tulong sa nag-aambang demolisyon sa kanilang lugar.
Hindi naman inaasahan ng grupo na sasalubungin sila ni Mayor Jeffrey Khonghun sa naturang lugar , ngunit ganon pa man ay malugod namang pinasalamatan ng Gobernador ang kanyang ginawang pagsalubong dito.
Sa ginanap na programa, isa-isang inilahad ng mga residente ng Sitio Nagyantok ang kanilang karaingan sa Gobernador katulad ng relokasyon, kompensasyon, kabuhayan at di pa tapos na pasilidad katulad ng tubig, koryente ,daan at eskwelahan sa ginawang relokasyon .
Isa-isang nagsalita si Gob. Deloso, Mayor Khonghun, SBMA Ecology Chair Ameth De LLana- Koval upang saguting ang lahat ng katanungan ng mga residente.
Sa mensahe ni Mayor Khonghun sinabi niya na mayroong itatayong eskuwelahan, simbahan, plaza, healtlh center, at day care center.
Sa mensahe ni Task Force Chairman Ramon Lacbain, binigyan niya ng diin na masuwerte ang mga residente ng Sitio Nagyantok at mayroon silang Gobernador ngayon na makikinig sa kanilang karaingan hindi katulad ng naranasan ng mga taga Sitio-Agusuhin sa nakaraang administrayon na naging biktima din ng demolisyon at hanggang ngayon ay walang maayos na relokasyon at kompensasyon.
Sinabi rin ni Lacbain na ang kaslukuyang kaso ng Sitio Nagyantok ay hindi muna pinakilaaman ng opisina ni Gob. Deloso at Task Force Hanjin sapagkat may kasunduan sila na SBMA , Hanjin at Gawad Kalinga muna ang aayos sa problemang ito hanggat walang reklamo mula sa mga residente na idudulog sa opisina ng Gobernador.
Dagdag pa niya na sapagkat lumapit na ang mga tao sa opisina ng Gobernador kaya nagsagawa ang Task Force Hanjin ng inspekyon noong Marso 29 sa Relocation Site para sa Nagyantok na ginawa ng Gawad Kalinga.
“Sa araw na ito ang available na bahay na puedeng tirahan ay 100 na bahay, sa araw na ito ay wala pa pong tubig at koryente, sa araw na ito marami pa po ang mga bahay na hindi pa tapos, sa araw na ito yung mga daan ay hindi pa rin tapos,sa araw na ito ang elementary school building ay sinisimulan pa lang gawin, sa araw na ito ang high school building pinaplano pa lang gawin,sa araw na ito ang retaining wall ay hindi pa rin tapos at ito ay delikado para sa mga taga Sitio Nagyantok, at ang drainage ay hindi pa rin tapos at delikado para sa mga residente, kaya kami po sa Task Force Hanjin sa harap po ng mga taga Sitio Nagyantok nirerekomenda po namin kay Gob. Deloso na hindi pa panahon para ilipat ang mga taga Nagyantok, sapagkat naniniwala po kami na hindi pa handa ang relocation site “ mensahe ni Lacbain na tinugunan naman ng malakas na palakpak at sigawan ng mga residente ng Nagyantok.
Sa puntong ito ay tumayo si Mayor Khonghun at inagaw ang mikropono kay Lacbain at sinabi niya, ”Alam mo mon masama yang ginagawa mo, ginagawa mo kaming sinungaling! Wala naman ganyanan, wala namang ganyanan!”
Habang sumisigaw ang mga mga tao ng “Boo!....Boo! “ di pa rin binigay ni Mayor Khonghun ang mikropono at sinabing” sa harapan ginagawa mo akong sinungaling eh.. sinasabi ko lamang sa inyo ang pinag-usapan natin noon, hindi ko sinasabing tapos na o hindi pa.. ang sinsabi ko sa inyo ay meron diba? meron.. pero wag mo namang sasabihin sa harap ko na sinasabi nila kanina ay meron.. sinasabi ko gagawin kung meron gagawin.. mahirap naman yan ramon yan ginagawa mo eh sa harap ni gobernor parang ano…at saka yang report mo dapat direkta ka lang kay gobernor.. hindi tama yan…”
“ Kung tapos ka na mayor pwedeng mahiram na ang mike at tatapusin .. “ sabi ni Lacbain
“HINDI! HINDI KA NA HAHAWAK NG MIKE DITO!MAGKAKAGULO DITO AG HUMAWAK KA PA NG MIKE!..”mariing banta ni Mayor Khonghun kay Lacbain.
Sa puntong ito ay namagitan ang Gobernador Amor Deloso upang hindi magkagulo.
Sinabi ni Gob. Deloso na kaya siya narito ay para ayusin ang lahat. “ lets put things in order.. anyway nandito na ako mga kapatid no..at lahat ng isyu dito ay aking pakikinggan at aayusin”.
Naging maayos naman ang sumunod pang pag-uusap sapagkat pinakinggan ng mga residente ang Gobernador.
“ Maraming salamat po sa pagpunta niyo dito, kung wala kayo di naming alam kung sino ang magtatanggol sa amin sa kalagayan naming ngayon” bigkas kay Gobernador ng isang residente ng Sitio Nagyantok ng ito ay umalis.
“Hanga kami kay Lacbain, ipinakita niya ang pagkamahinahon sa ginawa ni Mayor, di ito kumibo kahit binastos na siya” sambit ng isang residente ng tanungin ko kung ano ang masasabi sa mga pangyayari. By: Belen Figueras
Labels: Amor Deloso, hanjin, khonghun, lacbain, subic